Nasubukan mo na bang manirahan malayo sa iyong pamilya? Gumising sa umaga na walang maghahanda sa'yo ng agahan? Walang magulang na magsesermon sa iyo kahit madaling araw kana umuwi? walang sisita kahit makalat ang kuwarto? Walang gigising sa'yo sa umaga? Walang maglalaba ng mga marurumi mong damit? Walang magpa-plantsa ng uniform? At Walang mama, papa at kapatid na makakasabay sa pagkain?
Ako? Noon hirap akong malayo sa kanila. naka depende parin kasi ako kay mama. Pero magmula nang malipat ako sa Sm North, nag-iba rin ang ikot ng aking buhay, tila nagbago ang mundong kinagagalawan ko. Hanggang sa nasanay nalang ako, wala naman akong ibang pagpipilian. Kaysa magfield trip ako araw-araw. Lugi ka na nga sa pamasahe pagod ka pa sa biyahe. Kaya kahit mahirap para sa aking lumayo sa aking pamilya ay pinili ko nalang na mangupahan kasama ang ilan sa aking mga katrabaho para mas makatipid at makaiwas sa mahabang biyahe.
(Year 2012) Nag-usap kami ni Ate Face, at napag desisyonan naming maghanap ng mauupahan sa likod ng Sm North-- Bago Bantay Quezon City. Hindi naman kami nabigo. Naghakot kaming dalawa ng gamit matapos makita ang nakasabit na karatulang "Room 4 Rent" sa labas ng gate ng kulay asul na bahay. Sinalubong kami ni Ate Badeth na katiwala roon, tinulungan rin niya kaming maglinis, maliit lang ang kuwartong inupahan namin, sa second floor malapit sa hagdanan tahimik ang paligid dahil bawal mag-ingay, kailangan dahan-dahan ang paghakbang baka raw magising ang ibang nangungupahan.
(This is an original work by Moises R. Baltazar. For more stories from this Author, please visit mrbdiaries.blogspot.com)
Binigyan kami ni ate Badeth ng lumang tokador na may malaking salamin, wala naman raw kasing gumagamit. nakakakilabot! Tumayo nga ang mga balahibo ko ng una iyong makita. Hindi sana namin tatanggapin kaso medyo nahiya kami at sayang tutal wala kaming lalagyan ng mga abubot, kaya pwinesto namin ito malapit sa pinto -- harap ng aming higaan. Antigo na ang tokador kaya madalang ko iyong tignan, pakiramdam ko kasi may makikita akong kakaiba mula roon. Minsan tinatakpan ko ng tela kapag ako lang mag-isa sa kuwarto. Lagi kong na-aalala ang napanood ko sa Shake Rattle and Roll na may nagmumulto sa tokador ni Angelica Panganiban. Pero sa tinagal-tagal naman naming tumira ni Ate Face roon ay wala naman akong naramdamang kakaiba o nakitang hindi kanais-nais. Kasama rin namin sa bahay si Kuya James na boyfriend ni Ate Face, parati kaming laugh trip bago matulog dahil sa mga kuwento niyang out of this world, sobrang saya nilang dalawa kasama. Makalipas ang ilang buwan, na promote na Manager si Ate Face at na-assign siya sa Gateway Cubao. Kaya naghiwalay rin kami ng landas. Wala na 'kong ka-share sa bahay kaya naghanap ako ng ibang makaka sama.
Habang wala pa akong nalilipatan, umuwi muna ako sa sarili naming tahanan, buma-biyahe na ulit ako ng malayo araw-araw. (Year 2013) Mabuti nalang nalaman kong naghahanap rin pala ng mauupahan sila Boss Gush at Robi. Kaya silang dalawa naman ang mga naging bago kong kasama sa bahay. Nakahanap kami ng murang apartment na may sariling banyo, kusina, sala at isang kuwarto. sa tulong ng katrabaho naming si Hazel; siya ang nagturo sa amin ng lugar na iyon katabi lang ng unit nila. Kaya naging magkapitbahay kami. Noong una medyo nag-aalangan ako tumira roon dahil kinakailangan parin naming sumakay ng Fx papuntang Sm North, minsan nga na-la-late parin kami papasok sa office. Tsaka masyadong mahigpit ang matandang land lady, noong minsang nag-party kami sa bahay at nag-invite ng mga kaibigan ay nagalit na kaagad ang may-ari. Kaya umalis nalang kami at naghanap ng iba, dis-oras ng gabi ay walang ka abog-abog kaming naghakot ng gamit patungo sa bago naming titirhan, bitbit namin ni Robi ang sandamakmak na bote ng redhorse, habang dala naman ni Boss Gush ang itim niyang maleta, nagpabalik-balik kami hanggang tuluyang maubos lahat ng gamit, hakutan to the max! Natapos ang gabi na basta nalamang naming iniwan ang apartment na iyon ng walang pasabe at hindi na bumalik o nagpakita pang muli. (This is an original work by Moises R. Baltazar. For more stories from this Author, please visit mrbdiaries.blogspot.com)
Sa kabilang eskinita lang naman kami lumipat, medyo bungad ng kaunti sa kalsada. Sa unang dark blue na gate malapit sa "Miss QC bar" tapat ng 7-eleven. Studio type apartment na may isang C.R. malinis, maaliwalas kumpara doon sa una, malaya rin kaming gawin lahat ng gusto namin. Mabait kasi ang katiwalang si Kuya Richard,
Sa bandang kaliwa nakapuwesto ang higaan ni Boss Gush, sa kanan si Robi at ako naman malapit sa Pinto. Nakahubad ako lagi matulog, mainit kasi kaya pinili kong sa ibaba ng bintana pumwesto. Usually 3am gising pa 'ko kaka-internet. Minsan nga wala ng tulugan lalo na kapag wala pasok kinabukasan. At dahil madalas na gising ako sa gabi, nalaman kong nagsasalita habang tulog si Boss Gush, hindi ko alam kung may kausap ba siya o binabangungot. Basta madalas iyong mangyari, nakakakita rin si Boss ng mga kakaibang nilalang, siguro ay mayroon siyang third eye. One time, habang nakikinig ako ng praise and worship ay nakarinig ako ng malakas na sigaw, akala ko kung anong nangyayari 'yon pala'y parang na-alimpungatan si Boss Gush mayroon siyang sinisipang kung ano sa paahan niya. Minsan nga natatakot na ko mag-isa sa bahay dahil sa mga nakikita niya na hindi ko nakikita. Mahilig rin siyang magpa-masahe, madalas niya kaming yayain para magpa-massage, sa uri kasi ng trabaho namin ay kailangan talagang i-relax ang aming mga tagtag na katawan. Malinis rin si Boss sa bahay, kung sa office ay ballpen at logbook ang parati niyang hawak, sa apartment naman ay walis at basahan ang lagi niyang katuwang sa gawaing bahay.
Mayroon rin akong nadiskubre tungkol naman kay Robi, nalaman kong malinis rin siya sa bahay. Madalas nga siyang bumangon sa madaling araw para lang magtapon ng basura. At aabutin siya ng ilang oras bago bumalik, hindi ko alam kung saan siya nagtatapon at kung gaano iyon kalayo, basta ang alam ko lang sa labas ng gate namin ay mayroon namang basurahan na pinipick-up ng mga basurero tuwing umaga. Madalas rin akong makarinig ng mga kakaibang ungol mula sa banyo, mga ungol na parang sarap na sarap, tapos ay may dahan-dahang maglalakad palabas ng pinto, mahinang mga usapan, tunog ng mga halikan, yabag ng paa at kinakabit na sinturon. Madalas ang ganoong eksena lalo na tuwing biyernes ng gabi. Napapalunok nalang ako ng laway at magkukunwaring tulog. Awkward kasi kapag nalaman ng bisita niyang gising parin ako.
Makalipas ang ilang buwan. Nagkaroon kami ng bagong kasama sa apartment. All the way from Pampangga; Si Melvin. Kaya apat na kami sa bahay. Medyo nakaluwag-luwag rin kami sa hatian ng upa. Malaking tao si Melvin, matangkad, Mabait at tahimik lang siya, madalas lang ring naka hawak sa cellphone katext o kausap ang girlfriend na si Chaten, oras-oras, minuminuto, hindi na nila na-miss ang isa't isa. Kahit nasa banyo magkausap sila, habang kumakain, habang naglalaba, at matutulog nalang magkausap parin sila. Akala mo ay hindi sila nagkikita sa trabaho, maghapon naman silang magkasama sa office. Nakakabilib nga eh, sobrang attached at sweet nilang dalawa.
Madalas kaming mag-party sa apartment kasama ang mga katrabaho after work, dinadalaw kami nila Vien, Apm Jonel and the rest of the Gang. Tumatambay rin kami nila Jhun at Mau Sa tapat ng pinto. Tamang kuwentuhan lang paikot sa maliit na lamesa habang gumagalaw ang tagay; pantanggal stress. Ang dami kong masasayang experience sa apartment. Iba't iba. Pero hindi ko parin naman nakakalimutang umuwi sa amin, minsan once a week or every two weeks ako kung umuwi sa bahay, para nga akong galing abroad. Weekly, tuwing biyernes ng gabi parin ako kung magpadala kay mama through LBC, sabado ng umaga niya nakukuha ang pera.. sa ganoon lang umiikot ang buhay ko. Magtatrabaho, uuwi sa apartment, magpapadala sa magulang, konting kasiyahan tapos trabaho ulit.. nakakasawa na nga kung tutuosin pero kinakailangan. Sakripisyo, para akong OFW sa sarili kong bansa.
(This is an original work by Moises R. Baltazar. For more stories from this Author, please visit mrbdiaries.blogspot.com)
Habang tumatagal, unti-unting nagbago ang line-up namin. Nawala si Robi, umuwi na siya sa probinsya at doon nalang ipinag-patuloy ang tinapos niyang propesyon. Sobra akong nalungkot nang mawala si Robi, iba kasi ang closeness naming dalawa. Si Boss Gush naman lumipat sa katabing Unit kasama ang kaibigan niyang si Tita Manex.
Kaya nag-recruit kami ni Melvin ng mga bagong makakasama. Parang networking lang? hindi naman kami nabigo, dumagdag sa aming bilang sila Rona, Ross at Shiela. Kaya naging Lima na kami sa apartment. Tatlong babae, dalawang lalake, Ibat ibang karakter, ugali, pagkatao na pinagsama-sama sa iisang bubong. Kanya-kanyang latag at puwesto ng higaan, habang wala paring makaka-agaw sa puwesto ko sa ibaba ng bintana. Madalas kaming mag midnight snack, bibili kami ng mga chikchirya sa 7-eleven tapos papaikutan namin habang nag-kukwentuhan at kapag naubos na ay lilinisin na ni Ross lahat ng ginawa naming kalat.
Masipag na bata si Ross, kaya siya ang nagsilbi naming katulong, tigawalis ng sahig, tigapunas ng lababo at minsan pa nga'y tiga laba ng uniform. Hinuhugasan rin niya ang mga plato at nililinis ang C.R na madalas mag-bara. Gumawa pa nga si Ross ng House Rules na siya lang rin naman ang sumusunod. Sa totoo lang siya ang pinaka na miss ko sa kanilang lahat, para ko na kasi siyang anak-anakan. Siya ang pumalit kay Robi na lagi kong kasama.
Kung gaano kasipag si Ross, 'yan naman ang kabaliktaran ni Rona. Siya ang tipikal na pagka-uwi sa bahay ay diretso higa agad. Kung hindi Nakatutok sa facebook, ka text naman si Mau na boyfriend niya. Madalas kong matapakan sa C.R ang panty niyang matapos ata hubarin ay iniiwan nalang sa lapag. Siya ang pinaka malakas kumita sa amin pero siya rin ang pinaka matipid. Bestfriend niya si Sheila na medyo may pagka bratinela at isip bata. Sweet naman siya, madalas mangyakap at idikit ang dalawang bukol niya sa dibdib.. kababayan ko -- tiga Bulacan. Masipag rin siyang magwalis ng bahay, at tanggalin ang mga kalat sa ilalim ng higaan ko.
Magkakasama lang kami sa bahay, pero may kanya-kanya parin kaming mundo, Ibat-ibang lakad at mga kaibigan. Sa tinagal-tagal ko silang nakasama. Araw-araw ko silang nakikita mula umaga hanggang gabi. Nasanay na akong sila ang kasama sa bahay, kaya nga sobrang nami-miss ko 'yung ganoong setup. Naghiwahiwalay na kasi kami ngayon ng landas. Bumalik na sa Pampangga si Melvin, umuwi na sa Caloocan si Rona, si Sheila at Ross naman sa Bulacan. Lahat sila nag-resign na sa trabaho. Ako nalang ang naiwan.
Nalulungkot ako sa katotohanang lahat sila ay hindi ko na nakikita ngayon. 'Yung iba Madalang nalang. Magmula kay Ate Face, Kuya James, Boss Gush, Robi, Melvin, Ross, Rona at Sheila. Para akong nangungulila sa pangalawa kong pamilya. Gusto ko ulit silang makasama. Gusto kong maulit ang nakaraan kung kailan buo pa kaming lahat. Masaya sa apartment, nagtatawanan, minsan nagnenegahan pero hindi sumusuko sa laban. Na miss ko 'yung sabay-sabay naming pagkain sa Nicky's pares and Grill, China pot at Timothy's pares House tuwing gabi. Tsaka tuwing mag-uunahan kaming maligo sa umaga, mag-aabang ng FX o Taxi malapit sa overpass, sabay-sabay na papasok sa office, mag-aabang ng Bus tuwing gabi o kaya nama'y maglalakad papuntang sakayan ng Jeep.
Nakaka-miss, pero sabi nga, "people come and go". Sa ganoon umiikot ang ating buhay, mayroon tayong makikilala, mawawala sila, may panibagong darating tapos aalis ulit. Paulit-ulit lang... Naniniwala ako na lahat ng bagay at lahat ng nagyayari sa buhay natin ay may dahilan. At sa tuwing may umaalis ay parating may bagong dumarating.
Follow me on Wattpad: https://www.wattpad.com/user/MRBDiaries