"MENSAHE PARA SA MASA"
Ni Jojo Bandido
Ikaw ako lahat tayo
Sino pa ba sa akala mo?
Na sa lipunan raw ay lagi nakakalat
Dahil sa isipan raw ay tayo'y salat
Tayo raw kasi ay baliw at loko-loko
'Di alam ang tama at totoo
Malayo sa realidad
'Di kayang magkaron ng responsibilidad
Dahil isip raw natin ay lumilipad
Pasanin
Palamunin
Alagain
na habang buhay na pasanin
alam naman naming hindi kami perpekto
'Wag niyo naman sana kaming inaabuso,
Nilalait at tinutukso
may damdamin rin kaming nasasaktan
Kahit hindi niyo maintindihan
Sana lang ay inyong maunawaan
Na 'di namin ito ginusto
Lalong hindi naman plinano
Biktima kami ng pagkakataon
Na patuloy samin nagbabaon
kaya bigyan sana ng sapat na panahon
Na unti-unti kami'y makabangon
Na hindi lahat ng sitwasyon
Sa inyong kuro-kuro at suwestyon
Ay dapat kami sumang ayon
Dahil diyan kayo nagkamali
lalabas sa aming mga labi
Na taas nuo at nakangiti
Oo may sakit kami
'Di namin itinatanggi
Dahil kaya kami ngaun ay malaya
Dahil marami na ang patunay
Na ang katulad namin ay nagtagumpay
May mga hanap buhay
o negosyong tinataglay
Pamilya ay binubuhay
O inaasahan sa gastusin sa bahay
Gigising sa isip niyong walang kulay
Na tila tulog na parang patay
Habang kayo ay binibigla
Sa mga nagawa na namin
Nasa isip at lipunan ay 'di na mabubura
at 'di na mawawala.
-----------------------------------------
Ako ba at ikaw ay gaya niya,
sabi ng iba tayo raw ay kakaiba,
na sa sarili ay nawawala na,
at tila mababa sa paningin ng iba,
'Wag niyong isipin na 'di namin alam,
na tila para bang wala kaming pakiramdam,
na gaya namin hindi nagdaramdam,
kaya ito'y amin ng ipapaalam,
Na kami ay tao rin,
na dapat ring intindihin,
unawain at alalahanin
at nais rin namang inyong mahalin,
oo nga sa amin ay may iba,
sana lang inyong makita,
ang tunay naming halaga,
'di lang para sa katatawanan ng iba,
kundi kami ay tao rin na may pandama,
Na naghahanap ng kaibigan at makakasama.
-------------------------------------------
Kelan ka huling nag-isip
mga kamay tila nakahalukipkip
inuubos ang mga sandaling inip na inip
Kelan kaya magkakatutuo ang aking mga panaginip
Nag-aantay ng patak ng ulan
Buhos ng suwerte kailan matitikman
Lumipas na ang ilang kaarawan
Pero wala pa rin pagbabagong nararamdaman
Nakatanaw sa malayong lugar
Nananalangin madalas sa aking altar
Buhay ko kaya'y kailan aandar
Sa ganitong sitwasyon ako ay asar na asar
Ilang libong hakbang na ang aking nagawa
Tila pag asa ko ay unti-unting nawawala
kailan kaya ang suwerte sa mukha ko ay bubulaga
Gusto ko umahon pero wala akong magawa
Hindi pa huli ang lahat
tama na ang puro satsat
Gumawa ng tama at nararapat
Buhay mo ay 'wag ikalat
Sa tamang daan paa mo ay itapat
Para sa bandang huli sa Diyos magpapasalamat.
-----------------------------------
comments